Search
MGA BUTIL NA LAGLAG SA LANDAS NG BUHAY
(by EULOGIO VILLA URBINA  5/24/2004)

Ang mga Tulang ito ay mula sa panulat ni Ingkong Logio na may pamagat na: ''Mga Butil na Laglag sa Landas ng Buhay ni EULOGIO VILLA URBINA. Ito ay naglalaman ng mga Kasabihan, Salawikain at ng Tula ni Francisco Balagtas Baltazar, ang walang kamatayang ''FLORANTE AT LAURA''.

MGA BUTIL NA LAGLAG SA LANDAS NG BUHAY


Sa alin mang babasahin
Ang linalama'y isipin
Ang mabuti ay pulutin
At ang hindi ay limutin.

Ang magsimula na magaling
Sumama ma'y gagaling din
At ang sa masama nanggaling
Bumuti ma'y sasama rin.

Kung may ibon kang hawak
Huwag bayaang lumipad.
Ang kabayong hindi iyo
Ay bayaan mong magtakbo.

Ang sinungaling at mayabang
Kinamumuhian ng tanan.

Ang mga bituin sa langit
May malaki't may maliit
Gayon din naman sa lupa
May mayaman at may dukha.

Pag maugong ang batisan
Ang tubig ay mababaw.
Pag ang agos ay matining
Ang tubig ay malalim.

Walang pintuang matibay
Sa susi ng kayamanan.
Sa pinto ng kalangita'y
Ang susi'y kabanalan.

Sabihin mo kung sino ang kasama mo
At sasabihin ko kung ikaw ay sino.

Ang magpaputi ng uwak
At mangaral sa ungas
Ay gawaing hindi tumpak
At nasasayang ang oras.

Ang bilanggua'y nakalaan
Sa taong may kasalanan
Sa kapus ng kapalaran
At sa kulang ng katuwiran.

Ang kahoy na liko't baluktot
Hutukin hanggang malambot
Kung tumaas na at tumayog
Mahirap na ang paghutok.

Ang may loob na maitim
Laging gulo ang damdamin
Laging mayroong suliranin
Di matiyak ang puntahin.

Ang may loob na maganda
Mairugi't mahalina
Minamahal ng lahat na
Tinutulungan sa pita.

Ang paglingap sa mga dukha
ay damdaming darakila
Ang umaapi sa aba'
Langit may di maaawa.

Kung mabuti ang iyong nasa
Ay huwag haluan ng sama
Pagka't mawawalan ng bisa
Ang maganda mong inakala.

Ang gahaman at masakim
At sa kapuwa'y mainggitin
Sa paligid ay maraming
Mga kaaway na lihim.

Kung mabasa mo'y talinghaga
Ay pilitin mong isadiwa
Pagka't iya'y kakalinga
Sa buhay mo't ninanasa.

Ang taong sa tuwi-tuwi na'y
Magustuhin sa di kanya
Karaniwa'y napupunta
Sa piita't pagdurusa.

Pinag-aralan ay magaling
Kung sa mabuti gagamitin
Nguni't kung sa pagtataksil
Karangala'y mangunguling.

Ang panaghili'y nagtuturo
Sa taong mahinang kuro
Ng gawaing hindi wasto
At landasing liko liko.

Ang tiyaga't kasipagan
Na may halong karangalan
Ay siyang batong tungtungan
Ng mariwasang kabuhayan.

Ang mang upat at mandaya
Ay magkauri ng sama
Hanapbuhay na masagwa
Karangala'y sinisira.

Magagawa ngayo'y huwag ipagpabukas
Di na magbabalik kahapong lumipas
Ang pagkakatao'y hindi tinutuklas
At paghanapin may totoong mahirap.

Ang buhay ng tao'y
Sumusunod sa panahon
Na walang pinag-ibhan
Sa gulong ng kariton
Kung ngayo'y nasa ilalim
Bukas nama'y nasa ibabaw
Kaya dapat pag-ukulan
Ng pansin at pag-aaral.

Walang taros at bulagsak
Karaniwa'y naghahanap
Ang matipid at maingat
Natutulog na panatag.

Nguni't ang mga tao
Sa harap ng katuwiran
Walang mababa't mataas
Silang lahat pantay-pantay.

Kung nais mong magpayaman
Huwag sa pagod ng sino man
Iya'y mahirap pagnayaran
Kung singilin ka balang araw.

Kung ang Haring sakdal taas
At may hukbong malalakas
Ang matuwid paghinamak
Mapapawi't mababagsak.

Gaano pa ang gaya nating
Munting sisiw ang kahambing
Ang sa matuwid ay pipigil
Ng masunod ang hangarin?

Ang may isip na magulang
Mga anak ay minamahal
Iniibig hanggang buhay
Sa magaling inaakay.

Ang mga anak na magalang
At malingap sa magulang
Ay lagi nang dinadalaw
Ng magandang kapalaran.

Ang magulang na tamad
Walang paglingap sa anak
Ay parang hayop sa gubat
Walang budhi walang utak.

Ang anak na lapastangan
Walang lingap sa magulang
dumunong man at yumaman
Walang langit na kakamtan.

Ang may magandang kalooban
Hindi nagugulat saan man
Maging sa gubat at sa bayan
Sinusuyo't iginagalang.

Ang kaibigan mong dating kaulayaw
Kung makapisan mo sa isang bubungan
Pag-aralan mo rin ang pakikibagay
Ng sa dakong huli'y di ka pagsawaan.

Ang pakikisama'y gawaing mabigat
Di gaya ng pasang nasasabalikat
Kung pagod ka na sa lupa'y ilapag
Upang magpahinga't pagod ay lumipas.

Ang makikisama'y dapat na bumagay
Sa gawa at kilos ng pakikisamahan
Sapagka't kung hindi'y magkakahiwalay
Magiging sanhi pa ng usap-usapan.

Ang taong dukha ay naka-aakyat
Sa alin mang bundok na sakdal ng taas
Nguni't sa bahay ng taong mapilak
Di nakapapanhik ang taong mahirap.

Ang buhay ng tao'y liko-likong landas
Kung minsa'y malinis kung minsa'y madawag
Kaya ang isip ay bigyang liwanag
Ng huwag matinik sa mga paglakad.

Ang buhay ng tao'y bolang gumugulong
Ang makakatulad sa mundong ibabaw
Huwag ng sabihing mayaman marunong
Malakas matapang sa lupa'y gugumon.

Yumaman ka man o mataas kaya
Sa katusuhan mo't mga pagdaraya
Kaligayahan mo'y mahirap humaba
Sa dami ng galit na nangagbabala.

Nguni't ang taong loob ay maganda
Pantay ang pag-ibig sa kapuwa't sa kanya
Tana'y tumutulong ng walang anyaya
Tana'y naghahandog sa supil na kaya.

Ang magandang asal loob na mabait
Kayamanang tangi ng taong may isip
Masuyo't marangal tapat kung umibig
Mahal na sa lupa'y mahal pa sa langit.

Datapuwa't ang taong marumi ang asal
Na mapagkunwari't timawa't gahaman
Ang tanging pag-ibig siya'y paglingkuran
Nguni't di marunong lumingap munti man.

Kung wari sa hayop ay ito ang ganid
Kung sa tubig naman ay lintang masugid
At kung sa bundok ay tunay na limatik
At sa kapuwa tao ay hampas ng langit.


Sarili mo ay tulungan
Sa iba'y huwag ipaghintay
Madali ang pakinabang
Malinis at walang utang.

Huwag magnais ng mataas
Kung walang kayang katapat
Pagka't ikaw matutulad
Sa gising na nangangarap.

Ang pakikisama'y isang suliranin
Sapagka't mahirap kasama'y piliin
Baka di mawasto ugali't loobin
Sa tinataglay mong asal at damdamin.

Ang pag-papatubo ay gawang magaling
Lalo't sa halaman ay doon mahilig
Nguni't kung salapi ang patutubuin
Ay mayroong panganib matangay ng hangin.

Malaking bahagi nitong karununga'y
Di lamang sa guro't mga paaralan
Natutuklas ito sa mga panayam
Ng mga bihasa't may magandang asal.

At gayon din naman ang laging pagbasa
Mga pahayaga't aklat na maganda
Mga talumpating pili't mahalaga
Na napapakinggan sa tuwi-tuwina.

Marami sa tao ang nangag-hahangad
Yumama't dumunong ang laging pangarap
Nguni't ang panahong dapat na ihanap
Ay inaaksaya't hindi nagsisikap.

Hindi nalalamang mailap na ibon
Ang ibig hulihing kayamana't dunong
Sipag at tiyaga isip at hinahon
Ang ihinuhuli at hindi paglaboy.

At mayron pa manding taong naghihintay
Ng kaligayaha't ginhawa sa buhay
Na pagod ng iba ang inaasahan
Ng walang anumang ginugunamgunam.

Ang lalong marawal at kasuklam-suklam
Na gawa ng ta'o yaong pangangagaw
Kukunin sa kapuwa ang anumang bagay
At uutangin pa ang ingat na buhay.

Kaya nga mayroon nakapagsasabi
Ang buhay sa mundo'y isang guni-guni
Sino man ay hindi makasasarili
Ng ligaya't hirap sama man o buti.

Matangi marahil sa lahing mabait
Pusong makatao may budhing malinis
Ni hindi gahaman hindi nang-iinis
Buhay maligaya sa sariling pawis.

Iyan ang lahing pili ni Bathala
Na pinagtipunan ng lahat ng biyaya
Dunong kayamanan pusong darakila
Katapanga't lakas at Hari sa lupa.

--------------------------------------------------------------------------------

Pag-ibig Florante

--------------------------------------------------------------------------------

Ito ang mga huling saknong ng ''Mga Butil na Laglag sa Landas ng Buhay'' na sinulat ng aking Ingkong, Eulogio V. Urbina (kung saan ako nagmana sa pagsulat, he, he, he!) Ang mga naunang saknong ay kuha sa Florante at Laura at mga iba pang salawikain. Pero itong mga huling saknong ay sarili na niyang likha.

Marami pa akong kakainin bago ko mapantayan ang eloquence ng Ingkong ko!

After the Holy Week, pagtitiyagaan kong i-type sa email yung buong ''Mga Butil na Laglag sa Landas ng Buhay''.
Magsabi lang agad yung ayaw makatanggap, at di ko kayo isasali sa broadcast.

Wika ni Florante'y dapat isaloob
Na sa mundo'y walang kasayahang lubos
Sa minsang ligaya'y lagi nang kasunod
Makapitong lumbay, o hanggang matapos.

Ang pagkakataon ay matatampuhin
Parang kalapating di pinakakain
Kaya dapat nating pakamamahalin
At ang kabaitan ay samantalahin.

Malalaman nating totoong marami
Ang nangag-iingat nitong kay Florante
Ngunit bihira pa ang iniintindi
Sa tamis ng kanyang aral na mabuti.

Ginagawa lamang awit na libangan
Upang makatulog batang nasa duyan
Ngunit kung lumaki ang bata ring iyan
Hatol ni Florante ay nalilimutan

Samantalang ito'y simulaing tapat
Sa pangarap nating ang buso'y matanyag
Kung ito'y susundin ng tanang may anak
Magkakaron tayo ng bayang marilag

Sapagkat ang puring ikinatatanghal
Di lamang ang yama't mga katapangan
Ang dunong ang siyang haligi ng bayan
At tanging sagisag ng magandang asal

Tunay na pagibig sa lahi't sa bayan
Ay tungkulin nating wagas at dalisay
Magtanggol ng watuwid puri't karangalan
Simulaing tangi ng dakilang Rizal

Mahalin ang ating lupang tinubuan
Mahalin ang wikang mana sa magulang
Ang watawat nating sagisag ng bayang
Perlas na maningning sa Dulong Silangan

At ang bayan nating pugad ng pagibig
Sagana sa diwa't araw na mainit
Kung sa pagtatanggol tayo ay malupig
Sa kanyang kandungan mamatay ay langit

Ito ang aking handog na maliit
Sa lahi ko't bayang pinakaiibig
Ito'y di nanggaling sa dunong ko't isip
Kundi bukal lamang sa puso ko't dibdib

Bati ko'y salamat sa makatutunghay
Hindi man purihin o kaya'y pintasan
Ako'y di makata mamumulot lamang
ng BUTIL NA LAGLAG SA LANDAS NG BUHAY.


| Share |

 

CLSU Compound, Science City of Munoz, Nueva Ecija, Philippines
email: samakasining@yahoo.com / info@acpfi.org
Telephone: (+63)9175664674 / (+63)9172483139
Copyrights and program by: amangpintor
Filipino >>